Pinag-aaralan na ng Department of Finance (DOF) ang pagpapatupad ng uniform annual contribution ceiling para sa Personal Equity and Retirement Account (PERA) upang mas matulungan ang mga Pilipino na makapag-ipon para sa kanilang pagreretiro.
Sa official statement ng DOF, sinabi nitong kasalukuyan nitong sinusuri ang mga posibleng pagbabago at pagpapabuti sa naturang voluntary retirement savings and investment program.
Sa kasalukuyang sistema, ang mga regular na manggagawa ay puwedeng magdeposito ng hanggang ₱200,000, habang ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) naman ay pinapayagang mag-ambag ng hanggang ₱400,000 kada taon.
Sa iminumungkahing pagbabago, tinitingnan ng DOF na gawing iisa na lamang ang ceiling limit para sa parehong grupo.
Bukod dito, pinag-aaralan din ang iba pang regulasyon upang matugunan ang mga hadlang sa paglahok, mapataas ang kamalayan ng publiko ukol sa programa at mapabuti ito.
Binigyang-diin ni DOF Secretary Frederick Go na layunin ng pamahalaan na gawing mas epektibo ang PERA sa paghahanda ng mga Pilipino sa kanilang pagreretiro, kaya bukas ang ahensya sa mga suhestiyon upang palakasin ang mga insentibo nito.