Positibo ang naging tugon ng mga residente sa mga lugar na posibleng maging lokasyon ng nuclear power plant sa bansa.
Ayon sa Department of Energy (DOE), malaki ang suporta ng mga komunidad sa hakbang na gawing isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng kuryente ang nuclear energy.
Inihayag ni DOE Energy Utilization Management Bureau Director Patrick Aquino na aabot sa 60% hanggang 90% ang acceptance rate batay sa dalawang isinagawang sarbey, depende sa lokasyon.
Pitong posibleng site na ang tinukoy ng DOE kung saan kabilang ang Bataan, Palawan, Masbate, Pangasinan at Camarines Norte.
Ang mga lokasyong ito ay pinili batay sa mga pamantayan ng International Atomic Energy Agency (IAEA).
Kasama rin sa mga pinag-aaralan ang hindi natuloy na Bataan Nuclear Power Plant na natapos noong 1984 ngunit hindi kailanman umandar para sa komersyal na operasyon.
Kasama naman sa target na nuclear energy capacity para sa bans ang 1,200 megawatts para sa taong 2032, 2,400 megawatts sa taong 2035 habang 4,800 megawatts naman sa taong 2050.
Ipinaalala ni Aquino na pinangunahan ni DOE Secretary Sharon Garin ang pagpapaabot sa Office of the President ng pangangailangang maitalaga na ang mga opisyal ng PhilATOM (Philippine Atomic Energy Regulatory Authority).
Kabilang dito ang posisyon ng Director General at apat na Deputy Director General na kakatawan sa PhilATOM Council.
Nabuo ang naturang lupon sa bisa ng Republic Act 12305 na nilagdaan noong Setyembre 18, 2025, upang magsilbing legal na balangkas para sa kaligtasan at seguridad ng nuclear power sa bansa.
Sinimulan naman ang pagbalangkas sa implementing rules and regulations (IRR) nito noong Enero ng kasalukuyang taon.
Ayon kay William Magwood, Director General ng US Nuclear Energy Agency (NEA), nasa magandang posisyon ang Pilipinas pagdating sa paggamit ng nuclear energy.
Bagamat kinakailangan pa ng tulong mula sa mga dayuhang eksperto sa simula, sinabi ni Magwood na mayroon nang tamang basehan, eksperto sa agham at teknolohiya, at epektibong pamumuno ang bansa para magtagumpay dito.
Gayunpaman, nilinaw niya na ang pagtatayo ng isang nuclear reactor ay nangangailangan ng sapat na panahon at iba’t ibang pag-apruba mula sa mga regulator, komunidad, at pribadong mamumuhunan, kaya’t hindi ito agarang magaganap sa loob ng lima o anim na taon ngunit posibleng mangyari sa malapit na hinaharap.