Photo courtesy: International Maritime Organization (IMO)
Nagbabala ang Iran na maaari nitong harangin ang iba pang mahahalagang rutang pandagat matapos ipag-utos ni U.S. President Donald Trump ang muling pagpapatupad ng blockade laban sa Tehran.
Ayon sa ulat, sinabi ng Iran na handa itong gumamit ng lahat ng paraan na maaaring gamitin upang tutulan ang hakbang ng Estados Unidos.
Kabilang na rito ang posibilidad nang pagpapahinto sa paglalayag sa Bab el-Mandeb Strait sa pamamagitan ng mga kaalyadong Houthi sa Yemen na isang istratehikong daanang pandagat.
Dahil dito, tumindi ang pangamba sa seguridad ng pandaigdigang kalakalan lalo na sa supply ng langis at iba pang mahahalagang produkto.
Samantala, pinalakas naman ng Estados Unidos ang presensya ng mga puwersang pandagat nito sa rehiyon upang tiyakin ang kaligtasan ng mga sasakyang pandagat at mapanatili ang malayang paglalayag.
Nanawagan naman ang ilang bansa sa magkabilang panig na pairalin ang diplomasya at pagpipigil upang maiwasan ang mas malawak na sigalot.
Patuloy namang binabantayan ng pandaigdigang komunidad ang mabilis na paglala ng sitwasyon at ang posibleng epekto nito sa ekonomiya at kapayapaan sa buong mundo.