Pormal nang lumagda sa isang kasunduan ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at ang Presidential Broadcast Service- Bureau of Broadcast Services (Radyo Pilipinas, Radyo Publiko) upang mas mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga krimen sa digital space.
Kasabay ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA), inanunsyo rin ng CICC ang paglulunsad ng kanilang pinakabagong programa sa radyo na tatawaging “CICC Hotline 1326.” Ang nasabing programa ay opisyal na magsisimula sa darating na Hulyo 23, 2026, sa ganap na 10:00 ng umaga.
Ayon kay CICC Executive Director Usec. Renato “Aboy” Paraiso, labis ang pasasalamat ng ahensya sa pamunuan ng Radyo Pilipinas sa pagbibigay ng bagong “tahanan” at slot para sa CICC. Aniya, malaking hakbang ito upang direktang maabot, maturuan, at magabayan ang mga mamamayan—na tinatawag nitong mga “Cyberkadas”—ukol sa iba’t ibang banta sa internet.
“Nakatutuwa na pinagbigyan tayo na magkaroon ng bagong slot at bagong tahanan dito sa Radyo Pilipinas para naman makapag-educate sa ating mga kababayan at makapagbigay-lunas at solusyon sa kanilang mga cybercrime problems,” pahayag ni Usec. Paraiso.
Kasama sa Memorandum of Agreement Signing Ceremony sina CICC Usec. Renato Paraiso, PBS-BBS OIC Dir. Alan Allanigue, CICC Director III Aya Macalma, at PBS-BBS Broadcast Production Supervisor Ms. Ched Oliva.
Magiging regular na bahagi ng programa ang pagtalakay sa mga modus-operandi ng mga online scammers, mga tips sa cybersecurity, at ang pagbibigay ng agarang tulong sa pamamagitan ng kanilang incident reporting hotline na 1326.
Mapapakinggan ang programang “CICC Hotline 1326” tuwing Huwebes, mula 10:00 AM hanggang 11:00 AM sa mga himpilan ng Radyo Pilipinas sa buong bansa at mapapanuod sa Facebook at Youtube page ng RP.



