Nabawi na ng Philippine National Police (PNP) ang motorsiklong ginamit sa insidente ng pamamaril sa Makati City kahapon ng umaga.
Batay sa ulat, mag-aalas-7 ng umaga nang paulanan ng bala ang sasakyan sa bahagi ng Chino Roces Avenue, Barangay Pio del Pilar, Makati City.
Sakay nito ang 35-taong-gulang na babaeng target ng pananambang.
Nakaligtas ang biktima, pero tinamaan ng bala sa hita at binti at ngayon ay stable na ang kondisyon sa ospital.
Sa CCTV footage, makikita ang isang riding-in-tandem na suspek na bumubuntot sa sasakyan ng biktima.
Ayon kay PNP Spokesperson PCOL Allen Rae Co, nakumpirma ang motorsiklo sa pamamagitan ng back-and-forward tracking ng mga imbestigador, at nakakuha rin sila ng ibang ebidensya sa krimen.
Sinabi rin niyang tumutugma ang plaka ng motorsiklo sa nakita sa CCTV footage, kaya napagtibay nilang ito nga ang ginamit. Kasalukuyan na itong pinoproseso sa Land Transportation Office para matukoy ang may-ari.
Bumuo na rin ang PNP ng Special Investigation Task Group na siyang tututok sa imbestigasyon.
Sa ngayon, hindi pa malinaw ang motibo sa likod ng pamamaril, pero ayon kay Co, maaaring may kinalaman ito sa trabaho ng biktima.
