Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na paulit-ulit itong nakiusap at nagpaalala sa mga raliyista na isagawa ang kanilang kilos-protesta sa tamang lugar at panahon habang ginaganap ang ASEAN Summit.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co, nakiusap sila sa mga grupo na kung maaari ay huwag nang magprotesta sa panahon ng summit. Kung itutuloy man, pinaalalahanan aniya sila na manatili lamang sa loob ng mga freedom park.
Inabot pa umano ng 12 oras ang pakikipag-usap sa mga nagprotesta sa Muntinlupa, pero pinilit pa rin ng grupo na magmartsa patungo sa PICC, na isang no-rally zone.
Iginiit naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na ginawa ng mga police commander ang lahat para hindi na lumala ang sitwasyon, sa pamamagitan ng paulit-ulit na pag-apela, pagbibigay ng babala, at pagbubukas ng pagkakataon para sa mapayapang pag-uusap.
Sa kabuuan, 220 ang naaresto, 21 menor de edad ang nasagip, at 15 pulis ang nasugatan sa komprontasyon.
Paalala ng PNP, igagalang nito ang karapatan sa mapayapang pagtitipon, pero ipatutupad nito ang batas kapag hindi sinunod ang mga paalala.