Pinuri ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ang malaking tagumpay sa diplomasiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang pinuno ng ASEAN, matapos umabot sa halos 80 porsyento ang napagkasunduan sa binubuong South China Sea Code of Conduct.
Ayon kay Ortega, malaking hakbang ang pag-usad ng usapin mula sa dating 50 porsyento patungong 80 porsyento sa loob lamang ng isang taon—lalo’t mahigit dalawang dekada nang tinatalakay ang kasunduang ito sa pagitan ng 10 bansa sa ASEAN at ng China.
Ito ang tugon ni Ortega kasunod ng balita mula kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na nasa huling yugto na ang negosasyon.
Ayon kay Sec. Lazaro napagkasunduan na ibabatay ang bagong patakaran sa 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.
Giit ni Ortega, na ang distrito sa La Union ay nakaharap mismo sa West Philippine Sea, magsisilbing matibay na pundasyon ang nagawa ng Pilipinas kapag ipinasa na ang pamumuno ng ASEAN sa Singapore sa susunod na taon.
Tiniyak din ng mambabatas na patuloy na paninindigan ng bansa ang UNCLOS at ang 2016 arbitral ruling upang maprotektahan ang ating teritoryo at ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino.