Photo courtesy: International Maritime Organization (IMO)
Patuloy ang kalituhan at tensyon sa Strait of Hormuz dahil sa pabago-bago at urong-sulong na mga pahayag ni United States President Donald Trump at ng pamahalaan ng Iran.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service sa beteranong broadcast journalist na si Michael Cohen, ibinahagi nito ang komplikadong istruktura ng gobyerno sa Tehran na kasalukuyang umano’y nasa transisyon.
“‘Yung mga nasa IRGC (Iran’s Revolutionary Guards Corps), ‘yung kanilang religious military side, ay medyo tuwing may agreement na ginagawa itong mga diplomat, hindi sumasang-ayon itong IRGC. So, ayan ‘yung nagiging problema. And minsan may usapan sila, maayos ‘yung usapan… ‘Yung agreement natutupad, nabubuksan na ‘yung port, nababawasan na ‘yung gulo, bigla na namang may babanatan na isang barko,” ani Cohen
Ayon pa kay Cohen, nasa tinatawag na “Stage of Reconstruction” ang pamahalaan ng Iran na pinatatakbo ng apat na magkakaibang pangkat kaya naman mabilis ang pagbabago ng kanilang mga polisiya.
Bukod dito, iniulat din niya ang kasalukuyang sitwasyon ng mga barko sa naturang estratehikong daanan ng langis.
Inihayag ni Cohen na nasa 20 hanggang 30 barko kada araw ang sumusubok na makadaan sa Persian Gulf.
Bagama’t may ilan na umanong nakalalabas, idiniin niya na marami pa ring mga komersyal na barko ang nananatiling naipit dahil sa umiiral na krisis at naval blockade.
Ang sitwasyong ito ay nagdulot na nang matinding pangamba dahil tinatayang nasa 1.7 milyong mga Pilipino na nasa loob ng rehiyon ng Persian Gulf ang direktang apektado sa ngayon.