Bahagyang bumaba ang ipinadalang pera ng mga Overseas Filipino Worker (OFWs) nitong Mayo kumpara noong Abril, base sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corporation Chief Economist Michael Ricafort, marami ang naging dahilan kung bakit bumaba ang cash remittances sa Pilipinas ng mga OFW.
Ilan na aniya rito ang digmaan sa Middle East, palitan ng piso kontra dolyar, at iba pang mga salik na kinahaharap ng ibang bansa na nakaaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Ricafort na kahit bumaba ang remittances ng mga OFW ay patuloy pa rin naman ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Kinilala rin nito ang malaking ambag ng OFW remittances sa loob ng mahabang panahon lalo’t umagapay ito upang mapataas sa Upper-Middle Income status ang bansa.
Dagdag pa ni Ricafort, bagama’t bahagyang humina ang buwanang remittances, ipinakikita ng datos na patuloy pa ring matatag ang suporta ng mg OFW sa kanilang mga pamilya at nananatiling mahalagang salik ang kanilang padala para sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.