Ininspeksiyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Biyernes, Setyembre 25, ang Walang Gutom Kitchen sa Catbalogan City, Samar. Sinuri ng Pangulo ang pasilidad at ang kahandaan nito bago ang planong pagbubukas sa unang linggo ng Oktubre.
Ayon kay DSWD Field Office VIII Regional Director Grace Subong, napili ang Catbalogan City na pagtayuan ng pasilidad batay sa datos na nagpapakitang may mga indibidwal sa lungsod na nakararanas ng food insecurity.
Nilinaw ni Subong na hindi limitado sa isang partikular na sektor ang serbisyo ng Walang Gutom Kitchen. Bukas ito sa mga tao mula sa anumang katayuan sa buhay o sinumang nagugutom at nangangailangan ng makakain ay maaaring pumunta sa pasilidad. Target nitong makapaghain ng hindi bababa sa 200 mainit na pagkain araw-araw.
Magsisilbi rin ang Walang Gutom Kitchen bilang entry point upang makausap at masuri ng DSWD ang kalagayan ng mga indibidwal na pupunta rito. Sa pamamagitan nito, matutukoy ng ahensiya kung ano pang mga serbisyo o interbensiyon ang tunay nilang kailangan bukod sa agarang tulong sa pagkain.
May nakalaan ding reading at tutoring area sa pasilidad bilang bahagi ng Tara, Basa! Tutoring Program, kung saan maaaring magbasa at makatanggap ng karagdagang suporta sa pag-aaral ang mga bata.