Sinabi ni Senador Kiko Pangilinan na maaaring magsilbing gabay ang Senate Bill 1819 o ang panukalang Sagip Bata Act sa pagtugon ng pamahalaan sa mga banta sa kaligtasan ng mga bata online, kabilang ang isyu sa paggamit ng discord.
Ayon kay Pangilinan, dapat agresibong protektahan ang mga bata pero ang mga hakbang ng gobyerno ay dapat nakabatay sa ebidensya, targeted, proportional at maaaring rebyuhin.
Kaugnay ito ng iniulat na aksyon ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) laban sa discord at reddit matapos ang pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato noong September 18.
Gayunman, wala pang pampublikong impormasyon na nag-uugnay sa suspek sa paggamit ng discord o sa isang discord server, account o content na direktang may kinalaman sa insidente.
Una nang nagpatupad ng temporary ban ang DICT sa pag-access sa Discord, pero binawi rin ito ng ahensya.
Sa ilalim ng panukalang Sagip Bata Act, maaaring ipatupad ang restrictions laban sa partikular na content, account, channel, grupo, application o serbisyo na napatunayang ginagamit sa paglabag, basta kinakailangan at proportional ang hakbang.
Inaprubahan ng senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala noong September 21, pero kailangan pa itong aprubahan ng kamara at pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bago maging batas. | ulat ni Nimfa Asuncion