Nanawagan ang ilang mambabatas na palakasin pa ng pamahalaan ang pagbabantay laban sa illegal recruitment at human trafficking, kasunod ng paggawad ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso.
Ayon kay Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes, hindi dapat matapos sa pardon ang laban para sa hustisya kay Mary Jane, kundi dapat ding habulin ang mga recruiter, trafficker at sindikatong nagsasamantala sa mga Pilipino.
Iginiit ni Ordanes na dapat palakasin ang proteksyon sa mga vulnerable sa illegal recruitment, kabilang ang legal assistance, reintegration support at livelihood opportunities.
Aniya, mahalagang pigilan mismo ang mga sindikato upang hindi na maulit ang sinapit ni Mary Jane at ng iba pang Pilipinong naghahanap ng disenteng kabuhayan.
Sinang-ayunan ito ni House Good Government and Public Accountability Committee Chair Joel Chua.
Aniya, dapat suriin ng Department of Migrant Workers, Department of Justice, Inter-Agency Council Against Trafficking at law enforcement agencies kung saan nagkaroon ng mga pagkukulang sa sistema.
Kabilang dito ang pagrepaso sa proseso mula recruitment at pag-alis ng bansa hanggang detection, legal assistance, imbestigasyon at prosecution upang matukoy kung saan maaaring mas maagang kumilos ang pamahalaan.