Sinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang technology assistance ng Department of Science and Technology (DOST) sa Nuvali Steel Processing Center Inc. sa Biñan, Laguna, bilang bahagi ng pagsusulong ng mas makabagong produksyon ng mga negosyo sa bansa.
Ang Nuvali Steel Processing Center Inc. ay isang kumpanyang nabibilang sa metals and engineering sector na gumagawa ng mga parts ng automotive at ilang makinarya. Kabilang sa suportang tinatanggap nito mula sa DOST ang Parts Processing Upgrade project sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP at nakatanggap ng grant na aabot sa ₱3 milyong piso.
Layunin ng SETUP na tulungan ang mga negosyo na makapag-adopt ng angkop na teknolohiya upang mapahusay ang kanilang operasyon, produktibidad at competitiveness. Kabilang dito ang technology acquisition, equipment upgrading, training at technical consultancy.
Bahagi naman nito ang pagtutulak sa Industry 4.0, na gumagamit ng digital at interconnected technologies tulad ng automation, artificial intelligence, Internet of Things, robotics at data analytics upang gawing mas episyente at makabago ang produksyon.
Sa pamamagitan ng nasabing programa, layunin ng DOST na matulungan ang mga lokal na negosyo na makaagapay sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya at mapagtibay ang supply chains sa bansa.