Sinabi ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na maaaring layunin ng House Prosecution Panel na maresolba agad ang usapin kaugnay ng pagpapasailalim sa subpoena ng bank at tax records ni Vice President Sara Duterte upang mabawasan ang mga procedural issues na maaari pang kaharapin ng impeachment court sa mga susunod na pagdinig.
Gagamitin umano ang tax at bank records ng Bise Presidente sa pagtalakay ng Article II ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa Unexplained Wealth, False SALNs, and Continued Business Interests ng Bise Presidente.
Ayon kay Tongol, karapatan ng prosekusyon na humiling ng compulsory process gaya ng subpoena.
Samantala, ibinahagi rin ni Tongol ang ilan sa mga pangunahing pagtutol ng depensa sa paglalabas ng subpoena para sa mga naturang dokumento, batay sa memorandum na isinumite nito noong Lunes.
Kabilang dito ang umano’y pagiging confidential ng tax records sa ilalim ng Section 270 ng National Internal Revenue Code (NIRC), ang pagsasama ng mga income tax return mula sa mga panahong hindi pa impeachable officer si Duterte, ang posibleng paglabag sa Data Privacy Act, at ang argumento na may magkakahiwalay na legal na personalidad ang 22 korporasyong kabilang sa kahilingan kaya hindi umano dapat masaklaw ng subpoena.
Sa usapin naman ng bank records, sinabi ni Tongol na may umiiral na exemption sa Bank Secrecy Law para sa mga peso deposits sa impeachment proceedings, ngunit wala umanong katulad na exemption para sa foreign currency deposits sa ilalim ng Foreign Currency Deposit Act, na isa sa mga puntong iginiit ng depensa.
Ayon pa kay Tongol, nasagot na ng prosekusyon ang bawat isyung ibinangon ng depensa. Ito ang ilan sa mga inaabangang isyu na tatalakayin sa oral arguments mamayang hapon sa Senate Impeachment Court.