📷 Senate of the Philippines
Muling ipinaalala ng Senate Impeachment Court ang pagpapatupad ng sub judice rule kasunod ng inilabas na pahayag ni Vice President Sara Duterte kahapon, kung saan sinabi niyang walang sapat na ebidensiyang sumusuporta sa reklamong impeachment laban sa kanya.
Ipinaliwanag ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na malinaw na nakasaad sa Rule 18 kung sinu-sino ang mga kinakailangang sumunod sa sub judice rule.
Ayon kay Tongol, ang Senate Impeachment Court mismo ang magpapasya kung ang pahayag ng Bise Presidente ay maituturing na paglabag sa naturang patakaran.
Dagdag pa niya, karaniwang naitataas ang ganitong usapin sa pamamagitan ng mosyong inihahain ng alinman sa mga partido sa kaso.
Sinabi rin ni Tongol na polisiya ng Senate Impeachment Court na hindi ito basta-bastang nagpapasya nang kusa (motu proprio) kung may paglabag o agad na nagpapataw ng parusa sa mga pinaniniwalaang lumabag sa mga patakaran.
Binanggit din niya na sa ilalim ng Rules of Court, maaaring maharap sa contempt ang sinumang mapatunayang lumabag sa sub judice rule.
Aminado naman ang Senate Impeachment Court Spokesperson na magiging highly contested issue ang posibleng pagpapa-contempt sa Bise Presidente dahil maaari ring igiit ang executive privilege. Sa huli, sinabi ni Tongol na ang mga senator-judges pa rin ang magpapasya sa usapin.