Nakatakdang pagdesisyunan ng Senate Impeachment Court ngayong araw ang hiling ng House Prosecution Panel na ipa-subpoena ang bank at tax records ni Vice President Sara Duterte.
Sa ikaanim na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ilalahad ng defense at prosecution teams ang kanilang oral arguments o mga posisyon kaugnay ng hiling ng prosekusyon.
Ayon kay Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero, bibigyan ng tig-labinlimang minuto ang bawat panig para sa kanilang oral arguments at tig-sampung minuto naman para sa kanilang rebuttal.
Matapos nito, magkakaroon ng caucus ang mga senator-judges bago sila bigyan ng pagkakataong magtanong sa magkabilang panig.
Pagkatapos nito, pagdedesisyunan ng impeachment court ang usapin.
Ang oral arguments kaugnay ng naturang hiling ng prosekusyon lamang ang agenda ng impeachment court ngayong araw. Nauna nang inatras ng prosekusyon ang pagpapaharap kina Atty. Zuleika Lopez at Captain Belinda Bello bilang mga testigo nito sa impeachment court.