Nagtala ng isang malaking kasaysayan ang Department of Transportation (DOTr) matapos nitong makamit ang pinakamataas na grado o Unmodified Opinion mula sa Commision on Audit (COA) para sa Fiscal Year 2025 Consolidated Financial Statements ng ahensya.
Ayon sa pahayag ng DOTr, ang natatanging tagumpay na ito sa pangangasiwa ng pondo ng bayan ay itinuturing na isang malaking “milestone” dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng maraming taon na nakuha ng kagawaran ang naturang sertipikasyon. Kinilala ng ahensya na ang tagumpay na ito ay naisakatuparan sa ilalim ng pamumuno ni Acting Secretary Giovanni Z. Lopez.
Ang Unmodified Opinion (na kilala rin bilang clean opinion) ay iginagawad ng COA kapag napatunayan sa pagsusuri na ang financial statements ng isang ahensya ay kumpleto, tumpak ang pagkakalahad, at sumunod sa lahat ng itinakdang regulasyon at pamantayan ng pamahalaan sa lahat ng mahahalagang aspeto.
“Ang unmodified opinion na ito mula sa mga tagasuri ng estado ay nagbibigay-katibayan sa hindi matatawarang paninindigan ng Kagawaran sa maayos na pamamahala sa pananalapi, katapatan (transparency), at pananagutan (accountability) sa lahat ng transaksyon nito,” anang DOTr sa isang pahayag.
Inaasahang magsisilbing inspirasyon ang pagkilalang ito upang mas pagbutihin pa ng buong kagawaran ang pagpapatakbo ng mga estratehikong proyekto sa transportasyon sa bansa nang may malinis at tapat na pamamahala.