Ligtaa nang nakauwi sa kani-kanilang mga tahanan ang tatlong mangingisda matapos ma-rescue ng kapwa mangingisda sa karagatang bahagi na ng lungsod ng Tandag, Surigao del Sur.
Batay sa ulat mula sa CDRRMO – Tandag, napag-alaman na ang nasabing mga mangingisda ay nagmula sa mga bayan ng San Agustin at Marihatag, na sakop pa rin nitong probinsya.
Lumubog ang kanilang sinasakyang pump boat sa ikatlong araw ng kanilang pangingisda.
Natagpuan ang mga ito bandang alas-5:00 ng umaga kahapon, Hulyo 14, humigit-kumulang 33 milya mula sa baybayin ng Lungsod. Natagpuan silang lumalangoy sa gitna ng dagat at nasagip ng mga kapwa mangingisda na sina Joven Nuñez at Babart Sumaga, na kapwa residente ng Barangay Bongtud. Ligtas silang nadala sa dalampasigan at agad na dinala sa Tandag City Operations Center (OpCen), kung saan mabilis silang nilapatan ng tulong-medikal ng mga responder.
Kalaunan ay inilipat sila sa pangangalaga ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Agustin, na siyang naghatid sa kanila pabalik sa kanilang mga tahanan.
Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad ang mga karagdagang detalye at ang sanhi ng paglubog ng naturang pump boat.
📷 Tandag CDRRMO