Umabot na sa 38,029 na indibidwal sa CALABARZON ang nairehistro sa ilalim ng Birth Registration Assistance Project o BRAP ng PSA, at nabigyan na ng kanilang birth certificate.
Sa panayam ng RP Lucena, sinabi ni Registration Officer IV Marife Bautista na batay sa kanilang datos hanggang Hunyo 30, 2026, mayroon ding 157,173 pang aplikasyon na ipinoproseso sa ilalim ng programa.
Ang BRAP ay proyekto ng PSA katuwang ang mga Local Civil Registry Office, na naglalayong matulungan ang mga Pilipino na hindi pa naiparerehistro ang kanilang kapanganakan, partikular ang mga kabilang sa marginalized sectors tulad ng Indigenous Peoples, Muslim Filipinos, at mga mahihirap na pamilya.
Nabuo ang programa bilang tugon sa mataas na bilang ng mga delayed birth registration sa bansa.
Saklaw ng programa ang mga bata, kabataan at matatanda na wala pang birth registration, lalo na ang mga naninirahan sa malalayong lugar at iba pang sektor na nahihirapang makapagparehistro.
Libre ang beripikasyon kung may nauna nang birth record sa PSA, at ang mga matagumpay na nairehistro ay tumatanggap ng isang libreng kopya ng kanilang PSA-issued birth certificate.
Mas pinasimple rin ang requirements para sa delayed registration sa ilalim ng proyekto kumpara sa regular na proseso.
📷 PSA