Mahigit 6,600 na micro-establishments sa Davao Region ang nakinabang sa Technical Advisory Visit o TAV Program ng DOLE XI sa first half ng taong 2026.
Batay sa midyear report ng ahensya, umabot sa 6,613 na maliliit na establisimyento ang nabigyan ng technical assistance upang mapalakas ang pagsunod sa labor standards at mapabuti ang pamamahala sa kanilang mga workplace.
Pinakamaraming benepisyaryo ang naitala sa Davao del Norte na may 2,041 na establisimyento, sinundan ng Davao City na may 1,603, Davao Oriental na may 1,249, Davao de Oro na may 731, Davao del Sur na may 550, at Davao Occidental na may 466.
Sa pamamagitan ng TAV Program, nagsasagawa ang DOLE XI ng mga pagbisita sa mga micro-establishments upang mabigyan ang mga ito ng gabay sa tamang pagsunod sa labor standards. Tinutulungan din ang mga may-ari ng negosyo na matukoy ang mga kakulangan sa kanilang mga workplace at makabuo ng mga naaangkop na corrective action plan.
Ayon sa DOLE XI, bahagi ito ng layunin ni Labor Secretary Francis Tolentino na isulong ang kultura ng boluntaryong pagsunod sa labor laws at ang pagkakaroon ng ligtas, maayos, at disenteng lugar ng trabaho para sa mga manggagawa sa rehiyon.
📷 DOLE XI