Naglabas ng pastoral guidance ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay ng umano’y pagpapakita ng Birheng Maria at mga himalang Eukaristiko na iniuugnay kay Julia Kim sa Naju, South Korea.
Ayon kay CBCP President at Lipa Archbishop Most Reverend Gilbert Garcera, D.D., hindi kinilala bilang supernatural ng Archdiocese of Gwangju at Dicastery for the Doctrine of the Faith ang mga naturang pangyayari.
Hinimok ng CBCP ang mga mananampalataya na maging maingat sa mga hindi aprubadong pribadong rebelasyon at iwasan ang mga gawaing nagdudulot ng pagkakahati o sensasyonalismo sa Simbahan.
Pinayuhan din ang mga pilgrimage organizer, parokya, travel agency, at debotong Pilipino na huwag mag-organisa, mag-promote o lumahok sa mga paglalakbay patungong Naju at sa halip ay bumisita sa mga kinikilalang Marian Shrine.
