Inaaral na ng Department of Transportation (DOTr) ang sitwasyon, epekto, at gagawing pagtugon ng pamahalaan, kasunod ng nagbabantang muling pagtaas ng presyo ng krudo, dahil sa nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Kung matatandaan kahapon, panibagong taas-presyo sa krudo ang naramdaman ng mga tsuper.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, inaaral din ng DOTr ang panawagan ng transport group na ibalik ang piso fare hike, na una nang sinuspinde ng Malacañang, nitong Marso.
Ayon sa opisyal, kailangang balansehin ng gobyerno ang sitwasyon, lalo’t magdo-domino effect ang pagtaas ng pamasahe sa presyo ng iba pang pangunahing produkto.
“Siya naman po ay inaatasan na pag-aralan ang sitwasyon at kailangan na balansehin ang mga pangyayari dahil kapag tumaas ang presyo ng pamasahe, definitely ay tataas din ang mga presyo ng ibang mga produkto.” -Castro
Ang siniguro ng opisyal, ang nais ni Pangulong Marcos, sa oras na magpatupad ng tugon o tulong ang gobyerno, walang sektor ang maiiwan, kailangan lamang muna aniyang mabalanse ang lahat ng panig.
“So, ang nais ng Pangulo ay walang maiwan, kailangan matulungan ang lahat sa tamang pamamaraan at sa balanseng pamamaraan. So, inaaral po ito ngayon according to Secretary Banoy Lopez.” -Castro