Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 119 upang baguhin at gawing moderno ang sistema ng pag-uuri ng mga datos ng gobyerno (government data classification) na huling nirebisa noong 1964 pa.
Layunin ng bagong kautusan na palakasin ang proteksyon sa cybersecurity at pambansang seguridad habang binubuksan ang bansa sa mas malalaking puhunan sa teknolohiya tulad ng cloud computing at Artificial Intelligence (AI).
Ang Bagong Data Classification Framework
Sa ilalim ng bagong kautusan, hahatiin ang impormasyon ng pamahalaan sa dalawang pangunahing kategorya: Restricted Access Data at Open Access Data.
Narito ang panuntunan sa pag-iimbak ng mga datos batay sa antas ng sensitibidad nito:
- Top Secret at Secret: Obligadong iimbak lamang sa loob ng teritoryo ng Pilipinas o sa mga lugar na may hurisdiksyon ang bansa, gaya ng mga embahada at konsulado.
- Confidential: Karaniwang dapat manatili sa bansa, subalit maaaring iproseso o iimbak sa labas ng Pilipinas kung may pahintulot mula sa pamahalaan at may sapat na proteksyon.
- Restricted at Open Access: Pinapayagang gamitan ng mga secure na cloud platform kahit saan man ang lokasyon ng server, basta’t nakatutugon ito sa mataas na pamantayan ng cybersecurity at encryption.
Paalala: Nililinaw sa kautusan na ang EO 119 ay sumasaklaw lamang sa mga datos ng gobyerno at hindi nito sakop ang mga pribado o komersyal na impormasyon ng mga pribadong kompanya.
Pamamahala at Transition Period
Itinatag sa ilalim ng kautusan ang Joint Oversight Committee for Data Classification (JOC-DC) na pamumunuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Security Council (NSC) upang pangasiwaan ang pagpapatupad nito.
Bibigyan ng tatlong (3) taon ang mga ahensya ng pamahalaan para sa maayos na paglipat sa bagong sistema:
- Taon 1: Paggawa ng data inventory at paunang klasipikasyon.
- Taon 2: Buong pagsunod para sa mga ‘Top Secret’ at ‘Secret’ na datos.
- Taon 3: Kumpletong pagsunod para sa lahat ng iba pang uri ng klasipikasyon ng datos ng pamahalaan.
Ayon kay DICT Secretary Henry R. Aguda, mahalagang maprotektahan ang kritikal na impormasyon ng gobyerno nang hindi isinasakripisyo ang paglago at pakikipagtulungan ng Pilipinas sa pandaigdigang larangan ng digital technology.