Kinondena ni Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang AI-generated video ng China Daily na umano’y naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
Ayon kay Goitia, maituturing na rasistang propaganda ang video dahil hindi lamang nito kinuwestiyon ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kundi hinamak din ang dignidad ng sambayanang Pilipino.
Iginiit ni Goitia na walang puwang ang rasismo sa diplomasya, pamamahayag, at ugnayan ng mga bansa. Sinabi rin niyang hindi kayang palitan ng propaganda ang katotohanan, international law, at ang 2016 Arbitral Award.
Nanawagan si Goitia sa China Daily na agad alisin ang video at humingi ng walang pasubaling paumanhin sa mga Pilipino. Suportado rin niya ang pagkondena ng Department of National Defense sa naturang materyal.
Binigyang-diin ni Goitia na malaya at may soberanya ang Pilipinas at hindi dapat pahintulutang yurakan ang dignidad, kasaysayan, at karapatan ng bansa.