Hinimok ng Department of Health o DOH ang mga magulang, paaralan, at komunidad na suportahan ang nationwide deworming activities ngayong Hulyo upang maprotektahan ang mga bata laban sa intestinal worms.
Ayon sa DOH, maaaring magdulot ang intestinal worms ng malnutrisyon, anemia, pagkaantala ng paglaki at pagkatuto, at paghina ng resistensya ng mga bata.
Tiniyak ng kagawaran na ligtas at epektibo ang albendazole na ginagamit sa programa at inirerekomenda ng World Health Organization. Posible namang makaranas ang ilang bata ng pansamantala at banayad na pananakit ng tiyan, pagsusuka, lagnat, diarrhea, o skin rashes matapos uminom ng gamot.
Inatasan din ng DOH ang mga health worker at lokal na pamahalaan na mahigpit na sundin ang safety protocols sa school-based at community-based deworming.
Pinaalalahanan naman ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng takot at makapigil sa pakikilahok sa programa.