Photo Courtesy of Maritime Industry Authority FB Page
Pinalakas ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang kakayahan ng mga ahensya ng pamahalaan at port authorities sa pagbuo at pagpapatupad ng Port Waste Management Plans upang maiwasan ang polusyon mula sa basura ng mga barko.
Isinagawa ng MARINA, katuwang ang International Maritime Organization o IMO, ang dalawang araw na workshop na dinaluhan ng 35 kinatawan mula sa mga national government agency at port authority.
Tinalakay sa aktibidad ang wastong pagtatasa, pagkolekta at pamamahala ng ship-generated waste, gayundin ang pagpapaunlad ng port reception facilities at monitoring mechanisms.
Layon ng programa na mabawasan ang maling pagtatapon ng basura mula sa mga barko at mapalakas ang pagsunod ng Pilipinas sa International Convention for the Prevention of Pollution from Ships o MARPOL.