Nagpaalala ang Manila Health Department (MHD) sa publiko na mag-ingat laban sa W.I.L.D. diseases ngayong tag-ulan.
Batay sa ulat na inilabas noong Hulyo 16, tatlong bagong kaso ng COVID-19, isang kaso ng leptospirosis, at tatlong kaso ng dengue ang naitala sa Maynila.
Wala namang bagong kaso ng cholera, typhoid fever, influenza-like illness, at severe acute respiratory infection.
Mula Enero 1 hanggang Hulyo 16, umabot na sa 1,961 ang kabuuang kaso ng dengue, 773 ang influenza-like illness, 240 ang severe acute respiratory infection, 94 ang leptospirosis, 60 ang COVID-19, 57 ang typhoid fever, at tatlo ang cholera.
Pinaalalahanan ng MHD ang mga residente na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran, alisin ang mga naipong tubig, uminom ng malinis na tubig, at agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center kapag nakaranas ng mga sintomas.