Inihayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na wala pang ano mang impormasyon silang maibabahagi sa gitna ng pagtatalo hinggil sa kung hindi o dapat bang buksan ang sealed box ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sa pagdinig sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Castro, wala pa silang hawak na impormasyon ukol dito, hanggang ngayon ay wala pa ding ano mang request na naka-address kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Matatandaan na ilang Senador ang nagsabing ang pagbubukas ng BIR “green box” ay nasa awtorisasyon ni Pangulong Marcos base na din umano sa hinihingi ng Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code.
Pero sabi ni Castro, wala pang request na pinapadala sa Office of the President na maaari aniyang magmula sa Senado bilang impeachment court.
Sabi sa mga ulat, inaasahang tatalakayin muli ito ng Senate Impeachment Court sa Lunes, July 20, sa gitna ng mga nakabinbing mosyon na makakuha ng BIR records, bank records, at AMLC documents ni VP Sara.