📷 Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) of the Philippines
Tapos na ang mahabang panahon ng pangamba at kawalan ng katitiyakan para sa 44 na pamilyang informal settler (ISFs) sa Barangay Malanday, Marikina City matapos nilang opisyal na matanggap ang kanilang mga indibidwal na Transfer Certificates of Title (TCTs) nitong Miyerkules.
Ang pagkakaloob ng mga titulo ay isinagawa sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pinangunahan nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling at Social Housing Finance Corporation (SHFC) President at Chief Executive Officer Federico Laxa ang seremonya para sa mga miyembro ng Samahang Magkakapitbisig ng Purok III Homeowners Association, Inc. Phase II-A.
Itinuturing itong isang mahalagang milestone sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP), kung saan ang mga benepisyaryo ay ganap nang naging legal na may-ari ng lupang kanilang tinirikan at tinitirhan sa loob ng maraming taon.
Matatagpuan ang on-site housing community na ito sa Secondary Road, Purok III, Barangay Malanday. Sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Marikina, umabot sa 124 na miyembro ng homeowners association ang nakinabang sa proyektong ito sa pamamagitan ng community loan na pinondohan ng DHSUD at SHFC.
Para sa mga residente, katuparan ng pangarap at pag-alis ng mabigat na dalahin ang paghawak sa sarili nilang titulo.
“Nakakaba, diba? … anytime pwede kang paalisin, wala kang katiyakan… wala kang security, diba?… Sabi ko nga, katuparan ng pangarap… Ito talaga yung katiyakan na sa amin na talaga at pwede mong ipamanan sa mga anak mo… Ang laking tulong talaga na ginawa sa amin ng social housing, ng DHSUD. Masayang-masaya ako… Ito na, hawak na namin yung aming titulo,” pahayag ni Christina Bautista, pangulo ng homeowners association.
Ibinahagi rin ni Christian Jason Antonio ang kanyang galak at ang kakaibang garbo na dulot ng pagkakaroon ng sariling tahanan.
“Andoon yung agam-agam na parang, baka hindi pa siya totally sa airs dahil wala pa akong pinangahawakan dito. Ngayon, sobrang saya… Fulfilled yung matagal nang pinapangarap. Masasabi mo nang ‘iyo talaga yung tinitirhan [mong] bahay… Parang magkaroon ka ng pride sa sarili mo na… kaya mo rin pala magkaroon ng sariling tahanan,” aniya kasabay ng pasasalamat kay Pangulong Marcos Jr. at sa mga ahensyang tumulong sa kanila.
Para naman sa 58-anyos na si Ariel Antonio, ang titulong hawak niya ay patunay ng bagong yugto ng kanilang buhay.
“Hindi na ako… matatawag na squatter lang… May title na. Nagkaroon na kami ng sarili na maaari kong iwan sa mga anak ko pagdating ng panahon,” pasasalamat nito sa Pangulo. “Sana maging tuloy-tuloy pa yung ganitong pag-award ng lupa para magkaroon ng pagbabago ‘yung buhay ng mga mamamayang Pilipino.”
Ayon kay Secretary Aliling, ang hakbang na ito ay patunay ng seryosong komitment ng pamahalaan na isalin ang mga programa sa pabahay tungo sa pangmatagalang pakinabang para sa bawat pamilyang Pilipino.
“Ang bawat Transfer Certificate of Title na ating ipinagkakaloob ay isang kongkretong hakbang tungo sa pagpapatatag ng seguridad sa paninirahan ng mga pamilyang Pilipino. Higit sa pagiging legal na dokumento, pinagtitibay nito ang kanilang karapatan bilang may-ari ng lupa, nagbibigay ng katatagan sa kanilang mga sambahayan, at naglalatag ng pundasyon para sa mas matibay at mas matatag na mga komunidad,” ani Aliling.
Idinagdag din ng kalihim na patuloy na palalawakin ng kagawaran ang Expanded 4PH Program alinsunod sa utos ng Punong Ehekutibo upang mas marami pang pamilya ang makaranas ng kapanatagan at mas magandang kinabukasan.