Kinondena ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang inilabas na video ng China Daily, ang state-controlled media ng China, na umano’y naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy na sunud-sunuran sa Japan at Estados Unidos.
Ayon kay Tarriela, tahasang rasismo at paghamak sa dignidad ng mga Pilipino ang nilalaman ng mahigit isang minutong video. Binatikos din niya ang umano’y pagmamaliit sa 2016 Arbitral Award, na inilalarawan lamang umano bilang isang kuwentong ginawa ng Estados Unidos at Japan.
Iginiit ni Tarriela na walang puwang sa kasalukuyang panahon ang anumang uri ng rasismo, lalo na kung ginagamit ito upang maliitin ang isang bansa at ang mamamayan nito. Aniya, dapat kondenahin ang ganitong pag-atake sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino at sa mga prinsipyong kinikilala sa ilalim ng international law.
Hinamon din ni Tarriela ang mga personalidad na naunang nanawagan na humingi siya ng paumanhin sa China na manindigan din ngayon at hilingin sa Beijing na humingi ng paumanhin sa mga Pilipino.
Binigyang-diin ng opisyal ng PCG na hindi dapat pahintulutan ng mga Pilipino ang anumang pagtatangkang yurakan ang kanilang dignidad at mga karapatan sa West Philippine Sea.