Iniimbestigahan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Head ng Special Operations Group–Task Force Road Clearing (SOG-TFRC) na si Gabriel Go kasunod ng pagkalat sa social media ng isang video na nagpapakita ng paninita at apprehension niya sa isang gurong walang suot na helmet.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, inalis na sa nasabing grupo si Go at pinadalhan na rin siya ng show cause order upang ipaliwanag ang kanyang naging aksiyon.
Pagdating naman sa pagkuha ng video ng publiko, sinabi ni Artes na wala itong paglabag. Gayunman, ibang usapin ang pag-upload nito sa social media.
Aniya, sisiyasatin ng MMDA kung mayroon ngang paglabag si Gabriel Go, dahil mahigpit na ipinagbabawal ng ahensya ang pagpo-post ng anumang video ng kanilang mga tauhan na nagpapakita ng akto ng pamamahiya.