Photo courtesy of Department of Energy
Inihayag ni Energy Department Secretary Sharon Garin na binigyan na siya ng kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tingnan ang nararanasang Yellow at Red alert ng Visayas grid.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Garin na kasunod ng direktiba ng Pangulo ay naghanda na sila ng master plan hindi lamang sa Visayas kung hindi pati na sa Mindoro at Palawan.
Ayon kay Garin, ang mga nabanggit na lugar ang mga tinaguriang pain points ng enerhiya ng bansa na kailangang ayusin.
Kapag naayos aniya ang mga ito halimbawa ang Visayas ay hindi na kailangan pang mag-export ang Luzon at Mindanao sa Visayas, at hindi na mangangailangan pang bigyan ng suporta ang Kabisayaan.
Nitong nakaraang Martes ay muling isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines ang Visayas Grid sa Yellow Alert, mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi, dahil sa limitadong power reserves at ilang planta na hindi makapag-operate nang normal.