Photo courtesy of Philippine National Police
Buo ang suporta ng Philippine National Police (PNP) sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagtatalaga sa law enforcement agencies na panatilihin ang seguridad sa kauna-unahan at makasaysayang Parliamentary Elections sa BARMM.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., nakalatag na ang kanilang mga hakbang pang seguridad upang masigurong magiging ligtas, mapayapa, at maayos ang pagdaraos ng halalan.
Binigyang diin ni Nartatez, subok na ang pinaigting na ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan katuwang ang mga komunidad para sa epektibong pagpapatupad ng election security plan.
Ngayong nagsimula na ang election period, tiniyak ni Nartatez na asahan ang mas pinaigting na pagpapatupad ng mga batas sa halalan gaya na lamang ng paglalatag ng mga checkpoint gayundin ang pagpapa-iral ng gun ban.