Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang rekomendasyon ng National Advisory Council na palawigin ang 7-year period para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa bisa ng Executive Order No. 120 na pirmado ng pangulo, ika-13 ng Hulyo, 2026, nakasaad na ang hakbang na ito ay upang maibsan ang epekto ng krisis sa kabuhayan ng mga benepisyaryo.
Batay sa EO, maaari pa ring makatanggap ng ayuda ang mga benepisyaryo hangga’t sila ay nananatiling kabilang sa Level 1 o survival at Level 2 o subsistence batay sa Social Welfare and Development Indicator (SWDI) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa EO, isinasaalang-alang ng pamahalaan ang naging epekto ng nagdaang pandemya na nagpababa sa kita ng maraming pamilya at nakaantala sa kanilang pag-unlad.
Layunin din ng EO na masigurong patuloy na makatatanggap ng sapat na suporta ang mga benepisyaryo hanggang sa maabot nila ang antas ng pagiging self-sufficient o mayroon na silang sapat na kakayahan upang masuportahan ang kanilang pangangailangan.
Ang DSWD, inatasan na palakasin ang case management system at gamitin ang mas pinaigting na SWDI upang masuri kung handa nang makapagtapos sa programa ang bawat benepisyaryo.
Huhugutin ang pondo para dito ay mula sa kasalukuyang budget ng DSWD. Habang isasama naman sa mga susunod na panukalang budget ng ahensya ang kinakailangang pondo para sa pagpapatuloy ng implementasyon nito.