Mariing kinondena ni dating Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang rasista o mapanlait na paglalarawan sa mga Pilipino bilang mga “unggoy” ng China Daily, isang pahayagang pagmamay-ari ng pamahalaan ng China, kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Inilarawan ito ni Barbers na nakasasakit, hindi katanggap-tanggap, at labag sa mga prinsipyo ng paggalang sa pagitan ng mga bansa.
Dagdag pa niya, walang puwang ang ganitong uri ng paglalarawan sa responsableng diskurso at nagpapalala lamang ito ng hindi kinakailangang tensyon.
Tinutukoy ng dating mambabatas ang isang editorial cartoon na inilathala ng China Daily noong Hulyo 15, 2026.
Binigyang-diin ng dating mambabatas na patuloy na nagpapakita ng katatagan, lakas ng loob, at pagkamakabayan ang mga Pilipino sa pagtatanggol sa soberanya at pambansang interes ng bansa sa pamamagitan ng mapayapa at legal na paraan.
Ayon pa kay Barbers, dapat patuloy na tugunan ang isyu sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng diplomasya at pagsunod sa international law, sa halip na gumamit ng mga mapanirang salita.
Hinimok din niya ang mga personalidad sa media at mga gumagamit ng social media na itakwil ang diskriminasyong pananalita at itaguyod ang magalang na diyalogo, lalo na sa mga isyung may kinalaman sa ibang bansa.