Aabangan sa susunod na linggo ang pagtalakay ng Senate impeachment court sa mga pangalang wala umanong tala sa government civil registry recipient ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang inihayag ni House Prosecutor Terry Ridon sa gitna ng paghahanda ng kanilang kampo para sa Article I ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa alegasyon kaugnay ng confidential funds.
Ayon kay Ridon, ilalahad nila ang mga ulat ng PSA, na aniya’y magpapatunay kung may umiiral na mga rekord para sa mga naturang pangalan.
Matatandaang lumutang ang mga pangalang “Mary Grace Piattos,” “Milky Sikuya,” at iba pa, na nakasaad sa mga acknowledgment receipt bilang mga tumanggap umano ng confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP).
Ang mga naturang pangalan ay lumitaw sa congressional inquiry mula sa mga acknowledgment receipt na ginamit bilang suporta sa liquidation ng confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.