Muling iginiit ng Department of National Defense (DND) ang buong suporta nito sa 2016 Arbitral Award bilang batayan ng maritime policy at paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay DND Assistant Secretary Arsenio Andolong, makalipas ang isang dekada, nananatiling pangunahing legal na batayan ang desisyon sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na nagpapatunay sa mga karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Sinabi rin niya na 27 bansa ang nananawagang igalang ang arbitral ruling, habang 17 iba pang bansa ang hayagang sumusuporta rito.
Kasabay nito, tiniyak ng DND at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagpapatuloy ang pagpapatrolya at pagdepensa sa karagatan ng bansa, kabilang ang pagdodokumento ng mga ilegal at mapanghimasok na aktibidad sa Exclusive Economic Zone (EEZ).
Binigyang-diin ng DND na hindi ito uurong sa pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas at patuloy na palalakasin ang kakayahan ng AFP upang mapanatili ang kapayapaan at rules-based international order sa West Philippine Sea.