Photo Courtesy of Land Transportation Franchising and Regulatory Board - LTFRB
Nagtakda na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng price cap sa booking o platform fee ng mga taxi na gumagamit ng app-based transport services.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, hanggang 20% lamang ng kabuuang pasahe o ₱60, alinman ang mas mababa, ang maaaring singilin bilang booking fee sa mga pasahero.
Nakasaad sa Memorandum Circular No. 2026-055 na kailangang malinaw na ilahad ang booking fee sa fare computation, booking confirmation, at electronic receipt ng pasahero.
Ipinagbawal din ng ahensya ang karagdagang convenience fee, service fee, platform surcharge, o anumang dagdag-singil na walang paunang pahintulot mula sa LTFRB.
Layunin ng bagong patakaran na maiwasan ang mga hindi awtorisado at hindi malinaw na singil, maprotektahan ang mga pasahero, at matiyak ang patas at transparent na pamasahe para sa mga gumagamit ng digital transport platform.