Idinulog na ng mga motorcycle hailing app sa Kamara ang mga posibleng panukala upang mas mapataas pa ang seguridad at maiangat pa ang kaligtasan para sa mga motoristang nagta-trabaho gamit ang mga motorcycle taxi hailing apps.
Inihayag ni Angkas Public Affairs Officer Carlo Castro na isa sa mga itinutulak nila ngayon sa tulong na rin ng mga mambabatas ang pagkakaroon ng SOS button sa motorcycle taxi apps.
Sa tulong kasi nito ay parehong mapoprotekatahan hindi lang ang kapakanan ng mga motorista kundi maging mga pasahero o commuter.
Oras na ma-activate ay ididiretso umano ang user sa isang 24/7 emergency assistance para sa police at medical emergencies. Inaasahang tatalakayin ang proposal na ito sa susunod na linggo sa pamamagitan ng isang pulong kasama ang 1-Rider Party-list, MC taxi representatives at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board.