Ipinaliwanag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tatlong grupo ng mga benepisyaryong saklaw ng Uplift Assistance Program, na layong tulungan ang mga pamilyang apektado ng energy emergency.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na nasa 7.5 milyong kabahayan ang target na benepisyaryo ng programa.
Kasama sa unang grupo ang 3.5 milyong pamilya na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program, na makatatanggap ng one-time na ₱2,000 na ayuda.
Samantala, kabilang sa ikalawang grupo ang 2.5 milyong mahihirap at near-poor na kabahayan na hindi kasama sa kasalukuyang social protection program, batay sa datos ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang ikatlong grupo naman ay binubuo ng 1.5 milyong low-income worker at kanilang mga pamilya na natukoy sa talaan ng Social Security System (SSS).
Makatatanggap ang mga benepisyaryo ng ₱2,000 na ayuda kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre, alinsunod sa itinakdang guidelines. Ayon kay Dumlao, pinalawak ang programa upang matulungan hindi lamang ang pinakamahihirap kundi pati ang mga pamilyang nanganganib na malubog sa kahirapan dahil sa biglaang krisis.