Umabot na sa 117 lugar sa Luzon ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng Bagyong Luis, Maymay, Neneng at Southwest Monsoon o Habagat.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, kabilang dito ang buong lalawigan ng Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales at Cavite.
Kasama rin ang Dagupan City, Santa Barbara, Mangaldan, Bugallon at Mangatarem sa Pangasinan, gayundin ang Rodriguez o Montalban sa Rizal.
Nagdeklara rin ng state of calamity ang Nasugbu, Batangas, at Sablayan, Paluan at Abra de Ilog sa Occidental Mindoro.
Umabot na sa 8 milyong indibidwal o 2.3 milyong pamilya ang naapektuhan, habang 32 ang naitalang nasawi.
Nasa 3,000 kabahayan na ang nasira, habang umabot sa ₱6.11 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at ₱2.32 bilyon naman sa agrikultura.