Umabot na sa 79.81 meters ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam kaninang 10:00 AM, August 29.
Ayon sa DOST-PAGASA, mababa pa ito sa 80.15-meter overflow elevation ng dam, ngunit nakapagtala na ng 137.5 millimeters na ulan sa nakalipas na 24 oras.
Inaasahang lalampas naman sa 60 millimeters ang ulan sa susunod na 24 oras, na maaaring magdulot pa ng pagtaas sa water level ng dam.
Kapag umapaw ang La Mesa Dam, dadaloy ang tubig sa Tullahan River at maaaring makaapekto sa mga mabababang lugar sa Quezon City, Caloocan, Valenzuela, Malabon at Navotas.
Kabilang sa mga tinukoy na lugar ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Sta. Quiteria at San Bartolome sa Quezon City, gayundin ang North Expressway at La Huerta Subdivision sa Valenzuela. Pinapayuhan na ang mga residenteng malapit sa Tullahan River na mag-ingat at magsagawa ng kinakailangang paghahanda sakaling tumaas pa ang tubig.