NAGBABALA ang DOST-PHIVOLCS sa posibleng pagbuo ng lahar at volcanic debris flows sa Bulkang Pinatubo at Bulkang Taal dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Ayon sa PHIVOLCS, maaaring magkaroon ng lahar sa Sto. Tomas-Marella at Bucao River systems sa Pinatubo.
Maaaring maapektuhan ang mga komunidad sa San Marcelino, San Narciso, San Felipe at Botolan sa Zambales.
Posible rin ang maputik na agos sa O’Donnell at Pasig-Potrero River systems na maaaring makaapekto sa mga lugar sa Tarlac at Pampanga.
Sa Bulkang Taal, maaari namang magkaroon ng mudflow, muddy runoff at debris flow sa kanluran at hilaga ng Taal Lake.
Kabilang sa mga lugar na posibleng maapektuhan ang Agoncillo, Laurel at Talisay sa Batangas. Pinayuhan ng PHIVOLCS ang mga residente at lokal na pamahalaan sa mga danger zone na manatiling alerto at magsagawa ng mga hakbang para sa kaligtasan.