Nasabat ng Naval Command Western Mindanao (NCWM), sa pamumuno ni Rear Admiral Constancio Arturo Reyes Jr., ang mahigit ₱147 milyong halaga ng puslit na diesel fuel at mga sigarilyo sa dalawang magkahiwalay na maritime security operations sa karagatan sa Zamboanga City at Sulu.
Unang naharang ng mga nagpapatrolyang pwersa ng NCWM noong ika-22 ng Agosto ang isang hindi nakilalang motorboat sa Barangay Labuan, Zamboanga City, na may lulang hindi dokumentadong krudo.
Ang nasamsam na krudo at sasakyang-dagat ay may pinagsamang halaga na ₱52.27 million.
Sa isang hiwalay na operasyon noong Agosto 24, hinarang ng nagpapatrolyang pwersa ng Command ang M/B Jiboy sa karagatan ng Pangasinan Island sa Sulu, na nagkakarga ng 611 kahon at 37 ream ng mga pekeng sigarilyo na walang kaukulang dokumento.
Ang kontrabando at ang sasakyang pandagat ay nagkakahalaga ng ₱95 million.
Ang dalawang operasyon ay nagbunga ng pagsamsam sa mga sasakyang pandagat at mga kontrabando na may pinagsamang halaga na ₱147.29 million.
Ang lahat ng nakumpiska ay dinala sa Bureau of Customs-Port of Zamboanga (BOC-POZ) para sa tamang disposisyon.
Binigyang-diin ni Admiral Reyes na ipagpapatuloy ng Command ang mga operasyon sa seguridad sa dagat upang kalasin ang mga sindikato ng smuggling, at pigilan ang paggamit sa mga karagatan ng Kanlurang Mindanao para sa mga iligal na aktibidad.
Ang sunud-sunod na pagharang ay nagpapatunay sa dedikasyon ng NCWM na panatilihin ang kaayusan sa karagatan, protektahan ang lehitimong kalakalang pandagat, at ipatupad ang mga batas pandagat ng bansa sa buong Kanlurang Mindanao.
📸 PAO, Naval Command Western Mindanao