Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko, lalo na sa mga estudyante at kabataan na seryosohin ang mga security protocols.
Ito’y matapos maaresto ang isang 20-anyos na college student dahil sa bomb joke sa isang paaralan sa Argao, Cebu.
Nangyari ang insidente nitong Agosto a-25 sa Cebu Technological University Argao Campus nang marinig ng isang security guard ang estudyante na nagsabing may bomba umano sa loob ng kanyang bag habang nagsasagawa ng routine bag inspection.
Nang inspeksyunin ang bag, walang nakitang bomba pero dinala sa kustodiya ng Argao Municipal Police Station ang estudyante at ngayo’y nahaharap sa paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law.