Nakumpleto na ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon nito sa kaso ng pamamaril ng isang Grade 8 student ng Ateneo de Zamboanga University noong Agosto a-18.
Ayon kay PNP Spokesman, PCol. Allen Rae Co, sumasailalim sa beripikasyon ang mga detalye ng magiging ulat bago ito isumite kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Layon nito na tiyakin ang mga detalye ng ulat at kung mayroon pang ibang impormasyong kailangang kumpirmahin.
Magugunitang bukod sa Grade 8 shooter, patay din ang Grade 10 student sa kasagsagan ng pamamaril.
Kasunod nito, sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at physical injury ang ama ng Grade 8 shooter na siyang may-ari ng baril na ginamit sa insidente.
Ito’y dahil sa naging kapabayaan nito sa pag-iingat ng kaniyang armas na nagamit sa pamamaril.