Binuksan na ng Judicial and Bar Council o JBC ang pagtanggap ng mga aplikasyon at nominasyon para sa susunod na Chief Justice ng Korte Suprema, na magiging kauna-unahang itatalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pinakamataas na posisyon sa hudikatura.
Ayon sa JBC, hanggang 4:30 ng hapon ng Oktubre 13, 2026 lamang maaaring magsumite ng online application ang mga interesadong aplikante sa pamamagitan ng JBC Online Registration and Application System o JBC O.R.A.S. sa Philippine Judiciary Platform. Matapos ang online application, daraan muna sa beripikasyon ang mga dokumento bago hilingin sa mga kwalipikadong aplikante na magsumite ng kumpletong hard copies ng kanilang requirements.
Kabilang sa mga isusumite ng mga aplikante ang personal data sheet, mga legal at employment records, Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALNs, medical records, at iba’t ibang clearance. Binigyang-diin din ng JBC na ang sinumang mapatutunayang nagsumite ng maling impormasyon o nagtago ng mahalagang detalye ay maaaring ma-disqualify sa nominasyon.
Inaasahang magsisimula na ang proseso ng pagpili ng susunod na Chief Justice sa mga susunod na buwan, kasunod ng pagsusuri ng JBC sa mga kwalipikadong aplikante bago isumite ang shortlist sa Pangulo para sa pinal na appointment. Ang pagbakante sa nasabing posisyon sa SC ay dulot ng nakatakdang compulsory retirement ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo sa Nobyembre 6, 2026.