Photo courtesy of DPWH
Agad na nagtungo si Public Works Secretary Vince Dizon sa Aquino Bridge sa Tarlac City matapos bumigay ang humigit-kumulang 60 metrong bahagi ng tulay noong gabi ng Agosto 28 dahil sa matinding pag-ulan na dulot ng Habagat.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), bumigay ang bahagi ng tulay bandang 11:56 ng kagabi matapos humina ang pundasyon nito dahil sa malakas na agos ng tubig sa ilog. Kasunod nito, iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pagkukumpuni ng tulay upang maibalik ang ligtas na daloy ng trapiko.
Inatasan din ang DPWH na magsagawa ng dredging operations sa lugar upang mapalalim ang ilog at mabawasan ang panganib ng pag-apaw sa mga susunod na pag-ulan.
Samantala, pinapayuhan ang mga motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta, kabilang ang Agana Bridge, habang isinasagawa ang pagkukumpuni sa nasirang tulay.