Lumampas na sa overflow elevation ang water level ng La Mesa Dam sa Quezon City ngayong hapon.
Ayon sa PAGASA na umabot sa 80.22 meters ang lebel ng tubig alas-2 ng hapon, mas mataas sa 80.15-meter overflow elevation ng dam.
Dahil dito, ang sobrang tubig mula sa La Mesa Dam ay direktang dumaloy sa Tullahan River, na maaaring makaapekto sa mga mabababang lugar sa Quezon City, Caloocan, Valenzuela, Malabon at Navotas.
Kabilang sa mga tinukoy na lugar ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Sta. Quiteria at San Bartolome sa Quezon City, gayundin ang North Expressway at La Huerta Subdivision sa Valenzuela.
Hinihikayat naman ng Quezon City Government ang mga residenteng nasa mga lugar na maaaring maapektuhan na manatiling alerto at agad na lumikas kung kinakailangan, alinsunod sa abiso ng mga lokal na awtoridad.
