Photo courtesy of PCG
Natagpuan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga labi ng dalawa sa tatlong nawawalang pasahero matapos tumaob ang isang bangka sa Mapanuepe Lake sa San Marcelino, Zambales.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, kapwa menor de edad ang dalawang biktimang narekober ngayong Agosto 29. Bandang 10:10 ng umaga nang matagpuan ng mga residente ng Barangay Buhawen ang bangkay ng babaeng menor de edad, humigit-kumulang 50 metro sa kanluran ng lugar ng insidente.
Samantala, bandang 11:05 ng umaga naman nang matagpuan ng mga search and rescue responders ang bangkay ng lalaking menor de edad, nasa 30 metro sa timog-silangan ng pinangyarihan ng pagtaob. Kapwa positibong kinilala ang mga nasabing biktima ng kanilang mga ama.
Patuloy naman ang search and rescue operations para sa natitira pang nawawalang pasahero. Ang mga nasawi ay kabilang sa 13 pasahero ng isang motor banca na tumaob noong Agosto 27. Nauna nang naitala sa anim ang bilang ng mga nasawi habang apat na iba pa ang nakaligtas sa insidente.